Isasagawa ang filing ng Certificate of Candidacy o COC mula October 1 hanggang 8 sa mas malaking venue na may mahusay na ventilation para matiyak na magiging ligtas ito at hindi magiging super spreader event ng COVID-19.
Pahayag ito ni Commission on Elections o COMELEC Executive Director Bartolome Sinocruz, head ng Task Force for COVID Proofing for 2022 Elections sa pagdinig ng Joint Oversight Committee on the Automated Elections.
Ayon kay Sinocruz, planong gawin sa tent sa Sofitel Hotel ang filing ng COC ng mga tatakbo sa national position o mga kandidato sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, senador at partylist representative.
Paliwanag ni Sinocruz, ang nasabing lugar ay mayroong mahusay na ventilation dahil maaaring ibukas ang mga pinto at dahil malaki ay pwedeng magkaroon ng magkakahiwalay na espasyo para sa bawat national position.
Sabi ni Sinocruz, ipapaubaya naman sa mga local COMELEC officials ang pagpili ng mga lugar na mas malaki para sa paghahain ng COC ng mga kakandidato sa local position kung hindi uubra o maliit ang local COMELEC offices.
Sabi naman ni Senate Committee on Electoral Reforms Chairman Senator Imee Marcos, pwedeng gamitin dito ang mga open-air venues tulad ng mga vaccination sites na mas ligtas dahil naisailalim na sa disinfection.