Ikinatuwa ng mga Pilipino sa Indonesia ang pagbisita sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bahagi ng kauna-unahang state visit ng pangulo.
Ayon kay Tony Tuazon, direktor ng Alliance of Filipino Community in Indonesia, ang pagbisita ng pangulo ay nagbigay sa kanila ng pag-asa na balang araw ay magkakaroon sila ng sariling trabaho sa Pilipinas at hindi na nila kakailanganing mangibang-bansa.
“Napakasaya po kasi sa lahat ng mga bansa, Indonesia ang unang binisita ng ating pinakamamahal na pangulo. Nagbigay po [siya] ng kaligayahan at pag-asa sa mga OFW sa Indonesia kasi marami po siyang sinasabi na magbibigay siya ng suporta sa mga OFW upang balang-araw ay hindi na tayo lalabas ng Pilipinas at magkakaroon na ng sariling trabaho sa ating bansa,” ani Tuazon.
Nabatid na sa halos 8,000mga OFW sa Indonesia, 70% ang professional habang ang nalalabi ay mga skilled workers.
“Actually, the Indonesian government is very proud of the Filipinos because according to them, we were responsible in training some of the Indonesian to get a better outlook in life… kasi nakita nila, Filipinos are very reliable in terms of technology transfer and dissemination of information that would give a better future for the Indonesian. Masaya po sila sa’tin,” dagdag niya.
Matatandaang pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga Pinoy sa Indonesia dahil sa sakripisyo at pagmamahal nila sa bayan at kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.