
Iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi isandaang prosyentong mawawala ang problema sa pagbaha sa Metro Manila.
Ito ay sa kabila ng mga nakalatag na planong pagtatayo ng mga proyekto kontra baha gaya ng mga underground water detention tanks at catchment basin.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na sa halip ay layon nitong mabawasan ang mga pagbaha sa iba’t ibang mga lungsod sa Kalakhang Maynila.
Sa kabila niyan, sinabi ni Artes na nananatiling epektibo at hindi masasayang ang mga proyekto kahit hindi nito tuluyang masusugpo ang problema sa baha.
Malaking tulong din aniya ito sa mga bahaing lugar gaya ng Maynila.
Ipinunto ng MMDA chair na depende pa rin ito sa dami ng buhos ng ulan at problema rin aniya ang pagbaha sa ibang mga bansa.
Noong Agosto nang ilabas ng ahensiya ang 39 na lugar sa NCR na posibleng ilagay ang rain-catchment structures para pansamantalang maging imbakan ng maiipong tubig ulan.










