Friday, November 27, 2026

Preliminary investigation sa reklamo laban kay Sen. Robin Padilla sa DOJ, ipinagpatuloy ngayong araw

Muling nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si Senator Robinhood Padilla para sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa reklamong obstruction laban sa kanya.

Kaugnay ito sa inihain ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) dahil sa pagtulong umano niyang makatakas si Senator Bato dela Rosa palabas ng Senado noong Mayo.

Ayon sa abogado ni Padilla na si Atty. Julius Henry Balteza, nagsumite sila ngayong hapon ng rejoinder affidavit.

Kasunod ito ng nauna na nilang inihain na counter-affidavit noong November 6 habang sinagot naman ito ng complainants noong nakaraang linggo.

Nakadepende naman aniya sa proseso kung matatapos agad ang paunang imbestigasyon.

Una nang iginiit ng kampo ng senador na walang nangyaring pagtakas lalo’t wala naman umanong warrant na inilabas ang local court laban kay Dela Rosa.

Si Dela Rosa ay itinuturing nang pugante ng Department of Justice dahil sa pagtatago matapos makumpirma na may warrant of arrest laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).

Facebook Comments