Thursday, November 26, 2026

Kuwestiyonableng pondo sa 2027 national budget, ipinatatanggal ng Social Watch Philippines

Nanawagan ang Social Watch Philippines (SWP) sa Senado na alisin ang mga kuwestiyonableng pondo sa panukalang 2027 national budget at ilaan ito sa edukasyon, kalusugan at kabuhayan.

Kabilang sa nais ipatanggal ng grupo ang natitirang ₱168.2 billion sa Basic Infrastructure Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y duplicate lamang ng mga regular na programa nito.

Kinuwestiyon din ng SWP ang mahigit ₱7 billion na bawas sa pondo ng Department of Agriculture (DA) sa kabila ng pagbaba ng produksyon sa agrikultura.

Sa pagsusuri ng grupo, halos ₱416 billion na kuwestiyonable at magkakadobleng programa, gayundin ang discretionary na pondo, ang natukoy sa bersyon ng Kamara.

Hinihimok din ng grupo ang Senado na isapubliko ang lahat ng pagbabago sa panukalang budget bago ang bicameral conference.

Facebook Comments