FOI Bill, hiniling ng isang senador na isama sa priority bills ng gobyerno

Umapela si Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Senator Robin Padilla na isama sa priority measures ng Marcos administration ang Freedom of Information (FOI) Bill.

Ito ang suhestyon ni Padilla makaraang katigan ng pangulo ang FOI at igiit na walang puwang sa isang modernong lipunan ang fake news.

Iminungkahi ng senador na magpalabas ng Executive Order ang pangulo para malabanan ang ‘fake news’ o kaya naman ay isama sa mga prayoridad na panukala ang FOI Bill upang tuluyan na itong umusad at mapagtibay ng Kongreso.


Kung hindi aniya ito gagawin ay walang mangyayari kundi kahol lang sila nang kahol o ngawa nang ngawa sa isang panukala pero hindi naman ito uusad kung hindi ito masesertipikahang urgent ng pangulo.

Nagpahayag ng kahandaan si Padilla na isulong sa Senado ang FOI Bill pero mas mainam aniya kung isasama ito sa Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC priority bills para may kahinatnan ang pagsusulong nito.

Plano ng mambabatas na kausapin din si Senate President Juan Miguel Zubiri ukol sa FOI Bill para malaman kung may pag-asa itong maisama sa priority list ng mga panukalang batas.

Facebook Comments