Gawad Kalasag National Level, Target ng CDRRMO Cauayan!

Cauayan City, Isabela- Target ng City Disaster Risk Reduction Management Office Team ng Cauayan na lumahok sa kompetisyon para sa Gawad Kalasag National Level.

Ayon kay ginoong Ronald Viloria, ang pinuno ng CDRRMO ng Cauayan, susubukan anya ng Lungsod na makasali sa mas mataas na kompetisyon sa susunod na taon kung saan ay ito na ang kakatawan sa lambak ng Cagayan.

Aniya, malaking karangalan sa lungsod na makakabilang ito sa finalist sa national competition kahit na hindi na manalo sa nasabing patimpalak.


Kaugnay nito ay natanggap kamakailan ng CDRRMO Office ang Hall of Famer Awards sa Project Prepare City Category ng DILG Region 2 kung saan ay kabilang ang Ilagan City, Santiago City at Tuguegarao City.

Ito ay dahil umano sa maayos na pagresponde, pagpa-plano at paghahanda ng mga programa at aktibidad sa lungsod ng Cauayan hinggil sa mga kalamidad na tumatama sa Lalawigan ng Isabela.

Nangako naman si Ginoong Viloria na mas paiigtingin ng kaniyang tanggapan ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa Lungsod ng Cauayan dahil sa pagiging service oriented ng tanggapan ng CDRRMO.

Facebook Comments