Pinailawan na kagabi, December 9, 2025, ang giant Christmas Tree na naka-display sa harap ng City Plaza sa Dagupan City.
Ang kaganapan, na may temang ‘Pamilya ang Puso ng Pasko’, ay dinaluhan ng daan-daang Dagupenyong nakiisa sa pagtunghay ng ceremonial lighting na nagsilbi ring hudyat ng pagsisimula ng City Fiesta.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, ang pailaw ay sumisimbolo ng pag-asa sa bawat isa, lalo na’t matindi ang mga nalampasang unos ng mga Dagupeño ngayong taon.
Dagdag pa niya, simula December 17, nasa 15,000 apektadong pamilya ang mapapamahagian ng Noche Buena items, kung saan 700 pamilya rin ang kanilang makakasalo sa isang buffet.
Hindi lamang sa plaza tampok ang pailaw kundi pati rin sa Quintos Bridge.
Ang display ay nirecycle umano mula sa mga disenyo noong nakaraang taon bilang pakikiisa na rin sa panawagan ng Malacañang na gawing simple ang pagdiriwang ng pasko.
Sa huli, nangibabaw ang panawagan ng pagpapanaig ng pag-ibig at pag-asa sa pagbangon mula sa mga unos.






