‘Giyera’, Sigaw ng mga kasapi ng CPLA sa Pang-iisnob ng National Government sa Anibersaryo ng Mt. Data “Sipat” Signing!

*Cauayan City, Isabela- *’Giyera’ umano ang sigaw ng mga kasapi ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) hinggil sa hindi pagsipot ng kanilang pangunahing bisita na si Sec. Jesus Dureza ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na mismong nagtakda ng araw para sa Anibersaryo ng Mt. Data ‘Sipat’ Signing sa Tabuk City, Kalinga kahapon.

Batay sa pagtutok ng RMN Cauayan News Team sa anibersaryo ng CPLA sa pangunguna ng kanilang Chairman na si ginoong Mailed Molina, malaki umano ang ibig sabihin ng hindi pagdalo ng kanilang mga inimbitahang opisyal at nagpapakita lamang umano ito na hindi nila pinapahalagahan ang anibersaryo ng ‘Sipat’ Signing.

Aniya, dugo at pawis ang kanilang isinakripisyo upang magkaroon ng kaayusan sa pagitan ng ating pamahalaan at ng Cordillera.


Dahil dito ay binansagan nilang ‘sinungaling’ si Dureza maging ang kanyang mga kasama na hindi sumipot sa imbitasyon para sa kanilang anibersaryo.

Una na umanong naka schedule ang kanilang Anibersaryo noong Sept. 13, 2018 subalit naudlot ito dahil sa bagyong Ompong at itinakda umano mismo ni Dureza ang ika-apat na araw ng Oktubre para sa kanilang anibersaryo subalit hindi niya ito tinupad.

Kaugnay nito ay pag-iisipan pa umano ni Molina ang sigaw na giyera ng kanyang mga kasama dahil sa hindi pagdalo ni Sec. Dureza.

Facebook Comments