Gobernador ng Nueva Vizcaya, Nagpositibo sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya na nagpositibo siya sa Corona virus disease 2019 (COVID-19).

Una nang sumailalim sa strict quarantine ang ama ng Lalawigan matapos muling ma-expose sa isang COVID-19 positive at kahapon, Abril 5, 2021 ay lumabas ang resulta ng kanyang swab test na siya ay positibo.

Ayon sa pahayag ng Gobernador, nasa maayos naman ang kanyang pakiramdam at nakararanas lamang siya ng mild symptoms.


Kasalukuyan nang isinasagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng Gobernador na ngayo’y naka-quarantine sa Salubris Medical Center sa bayan ng Solano.

Inabisuhan rin ng Gobernador ang mga taong nagtungo sa kanyang opisina sa mga nakaraang araw na mag-self quarantine at ipalaam agad sa mga health authorities kung makaramdam ng sintomas.

Kaugnay nito, isinailalim sa lockdown ang Provincial Capitol simula noong April 4 hanggang 8 ng taong kasalukuyan para sa mga isinasagawang disinfection sa mga opisina.

Facebook Comments