Thursday, March 5, 2026

Gobyerno, pinaghahanda sa ligtas na repatriation ng mga OFW sa Middle East

Pinaglalatag ni Bam Aquino ang pamahalaan ng mga mekanismo upang matiyak ang kaligtasan, proteksyon, at kahandaan sa repatriation ng mga OFW na apektado ng gulo sa Gitnang Silangan.

Sa Senate Resolution No. 321, binigyang-diin ni Aquino ang bigat ng panganib na madamay ang mga Pilipino sa conflict-affected areas sa rehiyon, kasunod ng pagkasawi ng Pinay caregiver na si Mary Ann de Vera sa Tel Aviv, Israel.

Punto ni Aquino, ang kawalan ng katatagan ay banta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino dahil sa lumalawak na saklaw ng mga pag-atake na nakaapekto na sa kanilang araw-araw na pamumuhay doon.

Kabilang sa mga dapat paghandaan ang pre-identification ng evacuation corridors, transport contracting, contingency shelters, at mahigpit na koordinasyon sa host governments ng mga bansang apektado ng krisis.

Umapela rin ang mambabatas sa pamahalaan na magbigay ng welfare at legal assistance, kabilang ang tulong pinansyal, emergency livelihood support, psychosocial services, at reintegration programs, upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga kababayan.

Facebook Comments