Cauayan City, Isabela- Halos tapos na ang ginagawang bamboo production at iba pang indigenous species ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 para sa green infrastructure sa palibot ng Cagayan river.
Sa ginawang pagpupulong kaugnay sa Build Back Better (BBB) Task Force na ginanap noong Hulyo 1, iniulat DENR Region 2 Director Gwendolyn Bambalan na umabot sa kabuuang 126,224 bamboo ang nagawa kung saan umabot sa 96% mula sa target na 131, 316 sa buong rehiyon.
Ilan sa mga kawayan ay nasa pangangalaga ng bayan ng Solana partikular sa isang nursery gayundin ang iba ay nasa regional clonal nursery sa Tuguegarao City at iba pang nursery garden na matatagpuan sa DENR office sa Cagayan.
Ayon pa kay RD Bambalan, ang lahat ng mga empleyado ng ahensya sa buong rehiyon ay nakagawa ng 171,452 bamboo at indigenous forest tree species bilang bahagi ng kanilang pangako sa programa.
Bukod dito, iniulat rin nito ang humigit kumulang 90 hectares na lupain kung saan inisyal ng nakapagtanim sa paligid ng mga ilog sa ilang lugar sa Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.
Nauna nang binigyang diin ni Director Bambalan na ang “green infrastructure” na ito ay magiging pandagdag sa pagtanggal ng mga sandbars sa kahabaan ng heavily-silted sa Ilog Cagayan kung saan mapapatatag nito ang mga tabing-ilog at maiwasan ang karagdagang paglaki.
Mula sa 585 hectares na itatanim ay matatagpuan sa tabi ng Ilog Cagayan, Pared River, Zinundungan River, Dummon River, Abulug River, Pamplona River, Cabicungan River at Pinacanauan de Tuguegarao sa lalawigan ng Cagayan.