
Nagkasa ng kilos-protesta ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) upang kondenahin ang marahas na pagsalakay ng Amerika sa Venezuela.
Bukod sa pag-atake sa Venezuela, mariin din nilang kinokondena ang ginagawang pagpatay ng tropa ng mga amerikano sa bansang Palestine.
Nagsimula ang protesta sa bahagi ng Kalaw Avenue kung saan sinubukan nilang makalapit sa Embahada ng Amerika sa Roxas Blvd.
Kinokondena rin nila ang patuloy na pagtaas ng presensya ng mga sundalong amerikano sa bansa, gayundin ang planong pagbuo ng tinatawag na Army Rotational Force sa Pilipinas.
Panawagan din nila na tanggalin na ang mga US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) bases, Typhon, at iba pang missile systems, lalo na ang mga sundalong amerikano.
Giit ng grupo, hindi dapat gawing staging ground ng Amerika ang Pilipinas para atakihin ang ibang bansa at magsimula ng kaguluhan sa ibang rehiyon na ang bansa ang magsasakripisyo.










