Naglabas na ng guidelines ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa paggamit ng social media, artificial intelligence at deep fakes sa darating na 2025 midterm elections.
Sa memorandum ng Comelec, iginiit ng poll body ang kanilang karapatan na i-regulate ang social media sa ilalim ng Saligang Batas upang magkaroon ng mapayapa, maayos at tapat na halalan sa susunod na taon.
Bumuo rin ang poll body ng Task Force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan sa Halalan o Task Force KKK sa Halalan na layong labanan at sugpuin ang disinformation at misinformation.
Tutulong dito ang law enforcement agencies, iba pang ahensiya ng gobyerno, accredited citizens’ arms, at partner organizations ng Comelec.
Magiging trabaho rin ng binuong task force ang pagbabantay sa social media accounts ng mga kandidato, grupo, blogs, vlogs at iba pang campaign platforms para masigurong sumusunod ang mga ito sa panuntunan.
Sakali namang may makitang paglabag ay sila rin ang naatasang mag-imbestiga, mag-isyu ng show-cause order, maghain ng election offense complaint at iba pang kaso sa kinauukulang ahensiya.