Manila, Philippines – Guilty ang iginawad na hatol ng Paranaque RTC sa 5 akusado na isinasangkot sa pagkalat ng droga sa isang rave o street party sa Mall of Asia arena noong 2016.
Sa 37 pahinang desisyon ni Judge Danilo Suarez ng branch 259, pinatawan ng habambuhay na pagkakabilanggo sina Marc David Deen at Seergeoh Villanueva na una nang nakatransaksyon ng NBI para magbenta ng ecstasy.
20 taon at isang araw hanggang habambuhay na pagkakakulong naman ang iginawad kina Erika Dianne Valbuena, Thomas Lee Martin Halili, at Martin Angelo Dimacali na inabutan ng NBI sa loob ng condo unit kung saan nakumpiska ang sangkaterbang mga droga at drug paraphernalia.
Natukoy ang mga akusado matapos ituro ng isa sa mga sinasabing napagbentahan na kasama sa mga dumalo sa rave party sa Pasay City kung saan 5 ang nasawi.
Agad na ipinalilipat ni Judge Suarez sa Bilibid ang apat na hinatulan habang sa Correctional naman ipinadadala ang kasama nilang babae.
Ang unit 503 sa Azure residence condominium na tinutuluyan ng naarestong sina Deen at Valbuena ayon sa NBI ang nagsilbi umanong laboratoryo kung saan ginagawa ang ibinebenta nilang party drugs.
Bukod dito pinagbabayad rin ng tig 5 milyong pisong multa sina Deen at Villanueva habang nasa kalahating milyong pisong multa naman ang iginawad ng hukuman sa tatlo pang akusado.