Halaga ng economic relief na natatanggap kada buwan ng mga empleyado sa gobyerno, pinadodoble ng isang senador

Pinadodoble ni Senator Jinggoy Estrada ang halaga ng subsidiya na natatanggap ng mga empleyado sa gobyerno sa gitna na rin ng tumataas na presyo ng mga bilihin.

Inihain ng senador ang Senate Bill 1027 na layong doblehin o itaas na sa ₱4,000 ang buwanang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na natatanggap ng mga government workers at tatawagin itong Augmented Personnel Economic Relief Allowance (APERA).

Saklaw ng panukala na makakatanggap ng subsidiya ang mga sundalo, iba pang uniformed personnel, lahat ng civilian government employees ito man ay regular, contractual, casual position, at maging ang appointive o elective ang pwesto.


Ang mga government employees na nakadestino naman sa ibang bansa na tumatanggap ng overseas allowance ay hindi sakop ng dagdag na subsidiya.

Sinabi ni Estrada na dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis, ang kasalukuyang ₱2,000 na subsidiya ay hindi na sapat para tulungan ang mga empleyado sa pamahalaan sa kanilang problemang pinansyal.

Napapanahon din aniya ang pagtataas sa financial aid lalo’t kadalasang tumutugon sa mga pampublikong tungkulin ang mga manggagawa sa gobyerno lalo na sa panahon ng krisis at tuwing may kalamidad.

Facebook Comments