Nadagdagan pa ang halaga ng pinsala ng sama ng panahon na dulot ng epekto ng Northeast Monsoon at trough ng Low Pressure Area (LPA).
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabuuang P123.5M ang iniwang pinsala sa imprastraktura sa Region 11 at CARAGA.
Nasa 1,308 naman na mga kabahayan ang nawasak dahil sa pagbaha at landslide kung saan 756 dito ang partially damaged habang 552 ang totally damaged.
Kasalukuyan pang kinakalap pa ng Department of Agriculture (DA) ang datos upang mabatid kung magkano ang iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa ngayon, 2 pier sa Region 11 ang wala pa ring operasyon dahilan para ma-stranded ang ilang pasahero.
Nakakaranas din ng water and power interruption ang ilang bayan sa Davao region.
Samantala, nasa halos P107M tulong na ang naipagkaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
Biniyayaan ang mga ito ng family food packs, hygiene kits, medical supplies, mga bigas, shelter repair kits at marami pang iba.