New Washington, Aklan — Natupok sa nangyaring sunog ang isang rest house sa Brgy. Polo, New Washington, Aklan kaninang pasado 12:00 ng madaling araw. Ang nasabing rest house ay pagmamay-ari ni Mr. Reynato Prado Ambrocio. Base sa panayam ng RMN DYKR Newsteam kay Lazaro Ledesma, nakasaksi sa sunog, na humingi ng saklolo ang caretaker ng resthouse na si Jerome Permino dito sapagkat nasusunog na ang resthouse. Nang makita ni Ledesma na mabilis kumalat at lumaki ang apoy ay mas minabuti ng mga itong tumawag agad ng bombero. Agad ring nagresponde ang New Washington BFP at tinawagan ng mga ito ng Kalibo BFP para sa karagdagang tulong dahil sa mabilis na pagkalat at paglaki ng apoy. Samantala, ayon naman sa pahayag ni FO2 Enrico Nam-ay ng New Washington BFP at imbestigador sa nangyaring sunog, base sa pahayag sa kanila ng caretaker ay may naamoy itong parang nasusunog na plastic bandang alas 12 ng madaling araw, nang suriin nito ang resthouse ay nakita nitong nagmula ang apoy sa master’s bedroom. Hindi na nabuksan ng caretaker na si Jerome ang pintuan ng master’s bedroom sapagkat naka-lock ito at wala siyang susi sa mga oras na iyon. Mabilis rin na kumalat ang apoy sapagkat ang bubong nito ay gawa sa pawid at pinatungan ng color roof, at ilang parte pa nito ay mayroong amakan. Tumagal sa halos 4 na oras ang nakalipas bago tuluyang idineklarang fire out ng mga bumbero ang nangyaring sunog. Dagdag pa ni FO2 Nam-ay, na mabuti aniya ay naagapan agad ng mga miyembro ng BFP na mapatay ang malaking apoy kung kaya’t hindi na ito umabot sa garahe. Samantala, tinatayang P4,590,000.00 ang estimated damage na iniwang pinsala ng sunog sa resthouse. Wala namang naiulat na nasaktan sa nangyaring sunog. Patuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng New Washington BFP sa pinagmulan ng sunog. Kabilang sa pagresponde sa sunog maliban sa New Washington BFP at Kalibo BFP ay MDRRMO New Washington.
Facebook Comments