Sinita ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang halos 50,000 na kontraktwal sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig ng P718.360 billion 2023 budget ng DPWH sa Senado, tinukoy ni Villanueva na mula sa datos ng Civil Service Commission (CSC) na 22,457 job order (JO) at contract of service (COS) sa ahensya, dumoble pa ang bilang sa 49,726.
Sinabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan, ang mga JO at COS sa ahensya ay bahagi ng ‘continuing policy’ na nag-evolve sa rationalization plan na ipinatutupad mula pa noong 2012.
Paliwanag ni Bonoan, ang mga JO at COS ay bahagi ng routine maintenance program ng ahensya kung saan talagang ina-outsource o mula sa pribado ang mga manggagawa rito.
Kapag nagkakaroon naman ng problema sa private sector sa mga proyekto ng ahensya ay kumukuha sila ng JO para mapunan ang kinakailangang manpower para matapos ang pangunahing proyekto ng DPWH sa buong bansa gaya ng kalsada, gusali at iba pang mga pasilidad.
Samantala, pinuna rin ni Villanueva ang 3,180 na unfilled positions sa DPWH hanggang sa 2023 na agad namang pinaaaksyunan ng senador sa ahensya.