Harassment! – Sigaw ng B. Bautista Construction

Cauayan City, Isabela – Mali na alegasyon, kumpetisyon sa negosyo, paninira at harassment ang dahilan sa nangyaring raid sa compound ng B. Bautista Quality Builders Construction Incorporated noong Hulyo 30, 2021.

Ito ang ipinahayag ni Ginoong Pelido “Bobot” Bautista sa naganap na ugnayan sa lokal na media noong Agosto 21, 2021 sa mismong tahanan nito sa Barangay. Patul, Santiago City.

Magugunita na nagsagawa ng raid ang NBI Isabela sa compound ng kanilang kumpanya noong Hulyo 30, 2021 dahil sa alegasyon ng estafa.


Emosyonal nitong ipinaliwanang na ang kanilang negosyo ay lehitimo at mayroon lamang ilan na naninira dahil lamang sa hindi umano niya napagbigyan sa paghingi nila ng proyekto sa kanya.

Sa paglalahad ni Ginoong Bautista, kayang sinabi na kaya ganoon na lamang ang paninira sa kanyang kumpanya ay dahil mayroong mga lumapit sa kanya na humihiling ng proyekto kaugnay sa bilyong piso na kontrata na kanyang nakuha para sa pagpapatayo ng mga tore ng 3rd telco. Hindi umano niya napagbigyan dahil sa marami na siyang mga kapartner at sub-contractors. Idinagdag pa na ang kontrata ay saklaw ang pagpapatayo ng mga tore ng 3rd Telco sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Ilocos, Cordillera, Central Luzon at Central Visayas.

Nagpasya ang kumpanya ng B. Bautista Quality Builders Construction na magpaliwanag sa pamamagitan ng media dahil sa mapanira at hindi umano saktong impormasyon na lumalabas kaugnay sa nangyaring raid noong Hulyo 30, 2021 at nais din nilang linisin ang pangalan ng kanyang kumpanya at ng kanyang pamilya.

Sa kanyang emosyonal na pagbibigay mensahe ay kanyang binanggit ang pasasalamat sa lokal na media dahil sa pagkakataon na maliwanagan ang kanyang pangalan gawa lamang ng paninira, kumpetisyon sa negosyo at sa pagnanais nila na makibahagi sa kanyang nakuhang kontrata.

Kanya ding ipinapanalangin na sana ay hindi maranasan ng pamilya ng mga naninira sa kanya ang kanyang pinagdadaanan dahil lamang sa pakisuyo na hindi napagbigyan. Hindi naman tinukoy kung sino-sino ang kanyang binabanggit na mga indibidwal o kumpanya na gumagawa ng hakbang para idiskaril ang pagganap niya sa napirmahang kontrata upang makapagpatayo ng mga tore ng 3rd Telco.

Sa katanungan hinggil sa posibleng pagpasok niya sa pulitika o sa suportang ibibigay sa sinumang pulitiko ay minabuti niyang huwag munang magkomento sa naturang bagay bagamat malalaman din naman ng lokal na media halimbawa man.

Sa usapin naman sa alegasyon ng umano ay paggamit niya ng bansag na “Engineer” ay kanyang ipinaliwanang na ni minsan ay di niya ito ginagamit sa mga pormal na komunikasyon ngunit hindi maiiwasang tawagin siya ng ganun ng mga kahalubilo sa negosyo dahil siya ay namamahala sa isang construction company. Isang bagay na hindi na niya kontrol.

Inilahad din niya na maraming banta na kanyang natatanggap kaugnay sa multi-biyong kontrata at kanya na lamang itong isinasa-Diyos kasama na ang mga nararanasang pagsubok ngayon.

Facebook Comments