Pinayagan na ng National Task Force Against COVID-19 at ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang paghatid-sundo sa mga essential workers ng mga hindi ikinokonsiderang Authorized Persons Outside Residence o non-APORs gamit ang pribadong sasakyan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Sa interview ng RMN Manila kay Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar, nilinaw nito na bagama’t pinapayagan na ang non-APOR drivers na maghatid-sundo sa mga essential worker, may mga requirement pa rin na kailangang ipresinta sa checkpoint.
Kabilang aniya rito ang Certificate of Employment (COE) ng non-APOR drivers at business permit mula sa employer.
Una nang ipinagbawal ang non-APORs sa paghatid-sunod ng mga essential workers gamit ang pribadong sasakyan upang hindi maabuso at maiwasan ang paglabas ng publiko pero nirebisa ito ng NTF at ni Interior Secretary Eduardo Año.