
Aabot sa 20 Health Emergency Response Team Stations ang ipiniwesto ng Department of Health (DOH) sa mga pangunahing kalsada para sa Traslacion sa Enero 9.
Ayon sa DOH, ang mga health stations ay nakapwesto malapit o katabi mismo ng rutang daraanan ng prusisyon.
Ito’y upang agad na makaresponde sa anumang medical emergency na maaaring maranasan ng mga deboto.
Paalala naman ng ahensya, agad na magtungo sa pinakamalapit na DOH health station kung makararanas ng sama ng pakiramdam habang nasa gitna ng Traslacion.
Partikular sa sobrang pagkauhaw, pagkahilo, hirap sa paghinga, pagsusuka, matinding pagkapagod dulot ng init o pananakit ng dibdib.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na alamin ang lokasyon ng mga health emergency stations bilang bahagi ng paghahanda para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sasama sa Traslacion.










