Health Workers na Tinamaan ng COVID-19 sa Isabela, 33 na; ECQ sa Isabela, Pinabulaanan

Cauayan City, Isabela – Sumampa na sa kabuuang 33 na health workers ang positibong tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela.

Ayon sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Cureg Binag, tagapagsalita ng Lokal na Pamahalaang Panlalawigan, ikinalulungkot nila ang pagdami ng mga manggagawang pang kalusugan mula sa lalawigan na tinatamaan ng virus.

Ayon pa kay Atty. Binag, ang mga ito ang nasa unahan sa paglaban sa sakit kaya hindi maiiwasang sila ang mga unang tinatamaan.


Dagdag nito, sa kanilang pagtatasa, ilan sa mga nagpositibong health workers ang nakahawa sa kanilang mga kasamahan sa bahay tulad ng kanilang mga magulang at kamag anak.

Sa ngayon, itinuturing ang City of Ilagan na Capital ng Isabela na epicenter ngayon ng pandemya matapos nilang maitala ang pinakamaraming kaso ng sakit sa loob lamang ng isang araw.

Kahapon, October 18, 2020 umabot sa 60 positibo sa virus ang kanilang naitala.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 446 ang kabuuang aktibong kaso ng sakit matapos na makapagtala ng panibagong 38 na kaso ngayong araw.

Labing siyam (19) dito ay mula sa City of Ilagan, tatlo (3) ang galing sa Cauayan City, lima (5) sa Roxas, tatlo (3) mula sa bayan ng Ramon, dalawa (2) sa Gamu at tig-isa (1) mula sa mga bayan ng Cordon, San Manuel at Santiago City.

Ang City of Ilagan ay muling ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula October 19 hanggang alas 8 ng October 31 taong kasalukuyan.

Samantala, pinabulaanan ni Atty. Binag ang mga umuugong na balitang muling ibabalik sa ECQ ang buong Isabela dahil umano sa patuloy na pagdami ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit.

Facebook Comments