
Wala pang natatanggap na affidavit ang Department of Justice (DOJ) kaugnay ng umano’y pagbawi ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa kaniyang mga naunang salaysay.
Ito ay kasunod ng mga ulat na naghain umano si Alcantara ng kontra-salaysay kung saan itinanggi niya ang pagtanggap ng kickback at ang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, wala pa silang natatanggap o nare-review na anumang affidavit mula sa dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dagdag pa ni Martinez, wala pa ring opisyal na recantation o pagbawi ng pahayag na isinagawa si Alcantara, mapa-written man o verbal.
Matatandaang dati nang inamin ni Alcantara ang pagkakadawit niya sa naturang anomalya, kung saan nagsauli rin umano siya ng mahigit ₱100 milyon na sinasabing natanggap bilang kickback mula sa mga proyekto.








