Cauayan City, Isabela-Nasa 154 na alagaing kambing ang ipinamahagi sa mga magsasaka ng Department of Agriculture Region 2 sa mga bayan ng Abulug, Claveria, Iguig, Lal-lo at Aparri West sa Cagayan.
Pawang mga apektado ng nagdaang Bagyong Ulysses ang nakatanggap ng alagaing kambing matapos manalasa ang malawakang pagbaha sa lugar noong Nobyembre 2020.
Ang Kagawaran ng Agrikultura ay naglaan ng P2.2 bilyon bilang tulong sa mga magsasaka ng Rehiyon dos (Cagayan Valley) na lubhang naapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Naglaan naman ng pondo ang ahensya sa apat na probinsya ng rehiyon kung saan inilaan ang P846 milyon para sa Cagayan, P986 milyon para sa lalawigan ng Isabela, P148 milyon para sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, at P18 milyon para sa lalawigan ng Quirino.
Nagsimula na noong Pebrero na mag-ikot ang mga tauhan ng ahensya para sa Livestock program kung saan nauna nang nagpamahagi ng mga alagang baka, manok at sentinel pigs para sa BabayASF.