Higit 100 Pamilya sa Baggao, Cagayan inilikas sa banta ng Landslide

Cauayan City, Isabela- Inilikas ang nasa 110 pamilya upang masigurong ligtas sa pangamba ng muling pagguho ng lupa mula sa isang bundok sa isang barangay ng Baggao, Cagayan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, agad silang nagpatupad ng force evacuation sa halos kalahating bilang bilang ng mga residente ng Barangay Taytay dahil sa pagbagsak ng bahagi ng bundok.

Pansamantala namang tumutuloy ang nasabing bilang ng pamilya sa isang paaralan na nagsisilbi nilang evacuation center.


Nais naman ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng livelihood program ang apektadong pamilya upang hindi na nila naisin pang bumalik sa bundok para magtanim ng mais.

Posibleng upland farming o pagtatanim sa bundok ang isang naging sanhi kung bakit humina ang lupa sa kabundukan kaya tuwing umuulan, madali bumagsak ang pondasyon nito.

Gumawa naman na ng hakbang ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bundok upang maiwasan ng bumigay ito at makapasok ang relief operations sa bayan para sa mga apektado ng kalamidad.

Matatandaang nakaranas ng makapal na lupa mula sa gumuhong bundok ang bahagi ng national highway pagkaraan ng manalasa ang bagyong Ulysses.

Panawagan naman ngayon ng LGU sa mga nais pang tumulong sa kanila ay mangyaring magsagawa ng koordinasyon sa pamahalaan.

Facebook Comments