HIGIT P103-M NA DROGA, SINIRA SA KALINGA

Cauayan City, Isabela- Mahigit P103-M ang tinatayang halaga ng sinirang dahon ng Marijuana sa labing-apat na plantasyon mula sa tatlong araw na operasyon ng mga awtoridad katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilang lugar sa Tinglayan, Kalinga.

Ayon kay NOLCOM Commander LTGen. Ernesto Torres Jr., nagsagawa sila ng drug operations sa Brgy. Tulgao East at Mt. Chumanchil, Brgy Loccong kung saan nasa kabuuang 485,900 fully grown marijuana plants, 72,000 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at 5,000 gramo ng marijuana seeds ang sinira at pinagsusunog ng mga awtoridad.

Anim na plantasyon ang pinagsisira mula sa 45,500 square meters na lupain at aabot sa P103,365,000 ang kabuuang halaga ng iligal na droga.

Samantala, nagpasalamat naman ni Maj. Gen. Laurence Mina, Commander ng Joint Task Force Tala sa mga tropa na nagsagawa ng operasyon bilang katuwang ng PDEA habang pinatitiyak nito na pababantayan ang lugar upang mapanagot ang mga sangkot sa nasabing malawak na taniman ng marijuana.

Gayundin, pinuri naman ni LTGen. Torres ang security forces sa Kalinga sa kanilang ginawa upang matukoy ang plantasyon. Aniya, malapit ng makamit ng bansa ang peace and order,security and development.

Facebook Comments