Tuesday, March 10, 2026

Hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na makalabas ng bansa, haharangin ng DOJ

Haharangin ng Department of Justice (DOJ) ang anumang mosyon para i-lift o alisin ang ipinatutupad na precautionary hold departure order laban kay Senator Jinggoy Estrada.

Pahayag ito ng DOJ kasunod ng pagpunta ni Estrada sa Sandiganbayan para humiling na payagan siyang makalabas ng bansa mula March 30 hanggang April 5 para sa “personal trip”.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, tututulan nila ang anumang mosyon dahil sa paniniwalang may batayan para maglabas ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO).

Bagama’t ang korte aniya ang magdedesisyon tungkol dito, nanindigan ang Justice Department na nananatiling flight risk si Estrada at hindi dapat payagang makaalis ng Pilipinas.

Bukod kay Estrada, naglabas din ang Manila Regional Trial Court Branch 52 ng PHDO laban kina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Undersecretary Roberto Bernardo at mga dating DPWH engineer na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia dahil sa kinakaharap na reklamo kaugnay sa flood control anomaly.

Habang nahaharap din si ang senador sa kasong may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa 5th Division ng Sandiganbayan

Facebook Comments