HINAHANAP NA | Persons of interest sa pagpaslang sa dean ng school of medicine ng University of Perpetual Help sa Las Piñas City, tinutugis na

Las Piñas – Tinutugis na ng pulisya ang mga persons of interest kaugnay ng pagpaslang sa Dean ng School of Medicine ng University of Perpetual Help sa Las Piñas City.

Ang biktima ay si Dr. Harivel Sharmaine Tapawan Hernando, 62-anyos.

Ayon kay Police Sr/ Supt. Marion Balolong, hepe ng Las Piñas City Police – hawak na rin nila ang kasambahay ni Hernando na si Jovie Asero, isa sa itinuturing na persons of interest.


Si Asero ang tanging kasama ng biktima sa bahay.

Alas-2 nang madaling araw kanina nang magpatulong ang kasambahay sa mga pulis dahil may nangyayari umano sa loob ng kwarto ng kanyang amo sa Doña Manuela Subdivision sa Pamplona Tres.

Pero pagdating sa bahay, kinailangan pa nilang sirain ang lock ng pinto para mapasok ng kwarto ni Hernando.

Nang mabuksan, tumambad sa kanila ang duguang katawan ng biktima na tadtad ng saksak.

Nagtataka naman daw ang mga imbestigador dahil maayos naman ang mga kitchen knife sa kusina ng bahay.

Inirekomenda na rin ng Las piñas police na sibakin ang gwardiya ng sudbivision matapos siyang malusutan ng suspek gayong kaharap lang ng guard post ang bahay ng biktima.

Facebook Comments