Cauayan City, Isabela- Negatibo sa dalawang magkasunod na swab tests si Isabela Governor Rodito Albano III matapos magkaroon ng exposure sa mga umuwing Locally Stranded Individuals (LSI) at isa rito ay nagpositibo sa sakit mula sa Bayan ng San Mariano.
Ayon kay Albano, laking pasasalamat nito sa naging resulta ng kanyang pagsusuri subalit ikinalungkot nito ang pagdami ng bilang ng mga nagpopositibong Isabeleño.
Sa kabila nito, ipinunto ng opisyal na hindi kailangan na pandirihan o katakutan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na gustong makauwi sa probinsya dahil tungkulin na sila ay matulungan upang makasama ang kanilang mga pamilya.
Pinatutsadahan din ni Albano ang publiko dahil sa kaliwa’t kanang batikos na hindi kailangan umuwi ang mga OFWs at LSI sa probinsya dahil pa rin sa banta ng COVID-19.
Hinamon din ng opisyal na bababa ito sa pagiging gobernadora kung may isang tao na alam kung paano labanan ang sakit.
Tiniyak naman ni Albano na magtutuloy-tuloy pa rin ang ‘Balik-Probinsya’ Program ng Pamahalaang Panlalawigan dahil kailangan ngayon ng katuwang ng mga OFWs at LSI para sa kanilang pag-uwi sa pamilya.