Kahit nasentensiyahan na ng korte, hindi pa rin susuko ang pamilya ni retired army major general Jovito Palparan.
Sa isang mensahe sa RMN DZXL Manila sinabi ni JC Palparan, anak ng heneral, na dadalhin nila ang desisyon ng Malolos RTC Judicial Region branch 15 sa Court of Appeals.
Sa desisyon kanina ni Judge Alexander Tamayo, hinatulan nito ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo matapos mapatunayang nagkasala pagdukot at pagkawala ng mga dating estudyante ng UP na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2005.
Ayon sa pamilya Palparan, walang matibay na ebidensiya at argumento ang prosekusyon laban sa dating sundalo.
Mahina rin umano ang naging basehan ng desisyon.
Dagdag pa ng nakababatang Palparan, nahanda sila na paabutin hanggang Korte Suprema ang kaso ng dating heneral.
Bukod kay Palparan, hinatulan din sina LtCol. Felipe Anotado at Ssgt. Edgardo Osorio ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagkakasangkot sa kaso.