Manila, Philippines – Hinihikayat ng Armed forces of the Philippines ang lahat ng grupo na magsasagawa ng kilos protesta na gawin ito sa maayos at ligtas na paraan.
Ayon kay AFP Public affairs Office Chief Lieutenant Colonel Emmanuel Garcia hindi dapat maapektuhan ng mga gagawing protesta ang normal na aktibidad ng publiko.
Nanatili namang walang namo-monitor na specific threat ang AFP sa pagobserba ng Labor Day ngayong araw.
Pero hindi aniya nila isinasantabi ang posibilidad na may mga grupong samantalahin ang inaasahang kaliwat kanang kilos protesta kaya nakahanda sila sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Itutuloy aniya nila ang kanilang mandato na protektahan ang publiko laban sa mga masasamang loob.
Kaugnay nito saludo naman ang buong hanay ng AFP sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) dahil sa pagsasakripisyo at pagiging buhay na mga bayani.