Pinuna ni Senator Risa Hontiveros ang plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng buwis ang mga online seller at iba pang negosyong gumagamit ng electronic o online platform.
Batay sa Revenue Memorandum Circular No. 60-2020 na may petsang Hunyo 1, sinabi ng ahensya na ““all persons doing business and earning income in any manner or form, specifically those who are into digital transactions through the use of any electronic platforms and media, and other digital means, to ensure that their businesses are registered pursuant to the provisions of Section 236 of the Tax Code, as amended, and that they are tax compliant.”
Nakasaad din sa kautusan na dapat ideklara ng mga negosyante ang paraan ng pambabayad nila, paghahatid ng mga ibinebentang produkto, at ang internet service provider.
Sa Twitter, iginiit ng mambabatas na dapat unahin ng BIR na singilin ang P50 bilyong buwis na hindi pa rin nababayaran hanggang ngayon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) companies.
Ayon pa kay Hontiveros, kakarampot lamang ang kinikita ng mga online seller na napupunta lamang sa araw-araw na gastusin kaya’t magiging dagdag-perwisyo pa ito sa kanila.
Kinuwestiyon din niya ang paraan ng pagtrato ng gobyerno sa mga POGO kahit marami umano itong nilalabag na batas.
“Bakit ba ang luwag natin sa POGO pero ang lupit sa mga Pilipino? Kahit na may [P50 billion] unpaid taxes sila, at kahit na ‘di essential, pinayagan pa ring mag-operate sa ilalim ng ECQ (enhanced community quarantine),” pagpapatuloy ng opisyal.
Sa huli ay nanawagan ang senador na unahin muna ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.