House Committee on Appropriations, sisimulan na ang 2022 Budget Deliberation sa Agosto 26

Naglabas na ang House Committee on Appropriations ng “projected timeline” para sa pagtalakay at pag-apruba sa P5.024-T na 2022 national budget.

Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman at Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Representative Eric Go Yap, sisimulan na ng kaniyang komite na maisalang ang mga ahensya ng gobyerno para sa deliberasyon ng pambansang pondo sa Agosto 26 o sa Huwebes.

Ngunit, bilang pag-iingat sa COVID-19, “hybrid” ang set-up ng deliberasyon upang maprotektahan ang mga mambabatas at mga resource person.


Target namang maaaprubahan ng Kamara sa Setyembre 30 ngayong taon ang panukalang 2022 General Appropriations Act (GAA) bago ang nakatakdang break ng Kongreso dahil sa paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa Eleksyon 2022.

Bago naman ang “undas break” ng Kongreso ay iaakyat agad ng kamara ang pinagtibay na 2022 national budget na inaasahang malalagdaan ng pangulo bago matapos ang taon.

Facebook Comments