May mga grupo pang humahabol para maging bahagi ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na planong ihain sa Kamara bukas, December 4.
Ayon kay Kabataan Party-list Representative Raul Manuel, patuloy pa ang pakikipag-usap ng Makabayan Coalition sa iba’t ibang organisasyon dahil marami pa ang nais makibahagi sa ihahaing impeachment complaint laban kay Duterte.
Sabi ni Manuel, nagpapakita itong kung gaano kapursigido ang iba’t ibang mga sektor na maging bahagi ng pagsisimula ng proseso para sa impeachment ng ikalawang pangulo.
Pangunahing batayan na binanggit ni Manuel na nakapaloob sa ikalawang impeachment complaint ang maling paggamit sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni VP Sara at ang kawalan ng respeto sa House of Representatives.
Base sa abiso ng grupong Bayan, ang paghahain ng ikalawang impeachment complaint bukas ay sasabayan ng kilos protesta sa labas ng Batasang Pambansa bilang pagpapahayag ng pagkondena sa multi-milyong pisong confidential fund scandal na kinakasangkutan ni VP Duterte.