CAUAYAN CITY- Pinaigting ng Ifugao Provincial Police Office ang seguridad ng publiko ngayong holiday season sa ilalim ng kampanyang “Ligtas Paskuhan 2024.”
Kabilang dito ang pagpapalakas ng police visibility, enhanced patrol operations, at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad. Ang mga pulis ay nakatalaga sa mga matataong lugar tulad ng mga terminal, establisyemento, at iba pang pampublikong lugar upang sugpuin ang kriminalidad, ayusin ang daloy ng trapiko, at magbigay ng agarang tulong sa mga komyuter at motorista.
Ayon kay Provincial Director PCol. Marvin Diplat, binibigyang-priyoridad nila ang kaligtasan ng publiko ngayong Yuletide season upang matiyak ang mapayapa at maayos na selebrasyon.
Bilang dagdag na hakbang, inatasan din ang bawat municipal police station sa Ifugao na maglagay ng assistance desk upang masiguro ang kaligtasan at maasikaso ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.