Ilagan, Isabela – Mapapaaga ang pagkakatapos ng Ilagan-Divilacan Road.
Ito ang ibinigay na balita ni Isabela Governor Faustino Bojie G Dy III sa nangyaring ugnayan niya kasama si Bise Gobernador Tonypet Albano sa lokal na media kaninang umaga ng Enero 8, 2018 sa kapitolyo ng Isabela.
Ang Ilagan-Divilacan Road ay proyekto na magdudugtong sa Lungsod ng Ilagan at apat na mga bayan ng Isabela na Maconacon, Divicacan. Palanan at Dinapique na maliban sa lakaran ay tanging eroplano at sasakyang pandagat lamang ang paraan para marating ang lugar.
Ang kalsada na may habang 82 kilometro ay magsisimula sa Sindin Bayabo sa Lungsod ng Ilagan at ang dulo ay sa Dicatian Village ng Divilacan, Isabela.
Magugunitang ang proyekto ay nagsimula noong Marso 2016 at nakatakdang matatapos sa loob ng apat na taon sa orihinal nitong plano.
Magpagayunpaman ay binanggit ng gobernador na mapapaaga ang pagtatapos at malamang ay puwede nang madaanan sa Disyembre 2018.
Sinabi pa ng gobernador na nasa 40 porsiyento na ng proyekto ang natapos at gagawin pa ang lahat na mga tulay na magdudugtong sa naturang kalsada.
Kanya pang sinabi na sana ay patuloy na maganda ang panahon para hindi maantala ang ginagawang konstruksiyon.
Ang Ilagan-Divilacan Road Project ay nasa ilalim ng pangongontrata ng CM Pancho Construction na nakabase sa Quezon City.