Ilan pang Barangay sa City of Ilagan, Isinailalim sa Localized Lockdown

Cauayan City, Isabela- Pansamantalang sumasailalim ngayon sa ‘localized lockdown’ ang lima (5) pang barangay sa Lungsod ng Ilagan.

Ito’y sa bisa ng Executive order no.68 series of 2020 na ipinalabas at nilagdaan ni City Mayor Jay Diaz kung saan magtatagal ang localized lockdown hanggang Oktubre 16, 2020.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, ang limang (5) barangay ay kinabibilangan ng Bagumbayan, Alinguigan 2nd, Sindon Bayabo, Bigao at Mangcuram.


Resulta aniya ito ng isinagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga naunang nagpositibo sa Lungsod bunsod na rin ng pagkakaroon ng local transmission.

Sa ngayon ay nasa mahigit 120 na ang aktibong kaso ng Lungsod ng Ilagan at ilan sa mga pasyente ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng COVID-19.

Pinapayuhan ang lahat lalo na sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo na mag self-quarantine muna upang maobserbahan ang sarili at maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Sumunod sa ipinatutupad na health and safety protocols at kung hindi kinakailangang lumabas ng bahay ay manatili lamang sa tahanan.

Ugaliin aniyang magsuot ng face mask at face shield pag lalabas ng bahay para sa mahalagang transaksyon at palakasin ang katawan upang makaiwas sa banta ng Coronavirus.

Samantala, ‘not passable’ sa kasalukuyan ang Baculud overflow Bridge sa Lungsod dahil na rin sa patuloy na pag-uulan sa Lalawigan.

Kaugnay nito, sinabi ni Ginoong Paul Bacungan na laging nakahanda ang mga kinauukulan dahil agad naman aniyang ina-activate ang mga Barangay Disaster Risk Reduction Council ng Lungsod upang mapaghandaan ang kaligtasan ng bawat Ilagueño.

Facebook Comments