ILANG BUS COMPANY, MAGPAPATUPAD NG FUEL-SAVING MEASURES DAHIL SA OIL PRICE HIKE

Maaaring maranasan ng mga pasahero ng isang bus company ang ilang pagbabago sa kanilang biyahe matapos magpatupad ang kumpanya ng fuel-saving measures dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.

Sa ilalim ng bagong patakaran, bubuksan lamang ang air-conditioning ng bus limang minuto bago ang takdang oras ng pag-alis. Sa mga stopover naman, pansamantalang papatayin ang makina at aircon upang makatipid sa krudo.

Ayon sa pamunuan, kinakailangan ang mga hakbang na ito upang mapanatiling matatag ang kanilang operasyon sa kabila ng umano’y pagtaas ng presyo ng diesel na umabot sa ₱15 kada litro. Layunin din nitong maiwasan muna ang agarang pagtataas ng pamasahe.

Bagama’t maaaring makaapekto sa antas ng ginhawa ng ilang pasahero, tiniyak na mananatiling prayoridad ang kaligtasan at maayos na serbisyo sa lahat ng kanilang ruta.

Hinihingi naman ng pang-unawa ng publiko habang patuloy na hinaharap ang hamon ng tumataas na gastos sa operasyon.

Samantala, nauna nang inihayag ng LTFRB ang posibleng pagkokonsidera sa pagpapatupad ng taas pamasahe dahil sa inaasahan pang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na araw. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments