Tuesday, March 10, 2026

Ilang empleyado ng pribadong sektor, nais ding magkaroon ng 4-day work week

Umaasa ang ilang empleyado sa pribadong sektor na maipatupad din sa kanilang hanay ang 4-day work week na ipinatutupad ngayon ng Malacañang sa ilang tanggapan ng gobyerno.

Ayon sa ilang manggagawa, mas makabubuti umano ang ganitong sistema dahil kahit mas mahaba ang oras ng trabaho sa loob ng apat na araw, mas magkakaroon naman sila ng mas mahabang panahon para sa kanilang pamilya. Bukod dito, makakatipid din sila sa oras sa biyahe at sa gastusin sa pamasahe.

Gayunman, may ilan ding nag-aalala sa posibleng epekto nito sa kanilang sahod.

Ayon kay Miguel Abas, isang street sweeper na contractual employee sa isang kumpanya, nangangamba siyang baka mabawasan ang kanilang kinikita kapag ipinatupad ang naturang sistema.

Samantala, sa panayam sa ilang empleyado ng pamahalaan, partikular sa Department of Energy (DOE), bagama’t hindi ito tinatawag na 4-day work week ay apat na araw lamang silang pumapasok sa opisina habang ang isang araw ay work-from-home setup.

Ayon sa kanila, malaking tulong ito upang makatipid sa oras at pamasahe, pati na rin sa paggamit ng petrolyo lalo na sa mga empleyadong gumagamit ng sasakyan sa pagpasok sa trabaho.

Kaugnay nito, hiniling naman ni DOE Usec. Felix William Fuentebella ang kooperasyon ng publiko upang makatulong sa pagtitipid sa konsumo ng petrolyo.

Facebook Comments