*Cauayan **City, **Isabela**- *Binigyang diin ni Major General Pablo M. Lorenzo, AFP Commander ng 5th Infantry (Star) Division ang kahalagahan ng katungkulan at presensya ng militar sa mga paaralan.
Sa ginanap na “Tipon-Tipan” Philippine Information Agency 02, karamihan aniya sa mga nirerecruit ng mga rebelde ay mga kabataan lalo na sa mga nasa paaralan at unibersidad.
Inamin ni MGen Lorenzo na mayroong nangyayaring recruitment ng mga rebelde sa rehiyon dos kung saan may ilang estudyante na sa Lalawigan ng Cagayan at sa Isabela State University ang nahikayat ng makakaliwang grupo subalit ilan din sa mga ito ay sumuko.
Kaugnay nito ay patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na posibleng may presensya ng mga komunistang NPA maging sa mga paaralan upang maiwasan ang kanilang recruitment at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.
Sa ngayon ay kasalukuyan namang gumagawa ng hakbang ang kasundaluhan katuwang ang kapulisan at iba’t-ibang ahensya ng lipunan upang matugis at masugpo ang mga nalalabing kasapi ng komunistang grupo na gumagalaw sa buong lambak ng Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng San Mariano, Eastern Ilagan, Benito Soliven at ilang bahagi ng Lungsod ng Cauayan.