Manila, Philippines – Handa na ang ilang kongresista na tanggapin ang kanilang kapalaran matapos bumoto ng ‘NO’ sa parusang kamatayan.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto, tanggap nila kung matatanggal na sila sa Committee Chairmanship dahil sa hindi pagsuporta sa death penalty bill.
Paglilinaw ni Santos-Recto, nirerespeto niya si House Speaker Pantaleon Alvarez at ang mga panuntunan nito na umiiral sa kapulungan.
Pero naniniwala siya sa kahalagahan ng ikalawang pagkakataon para makapagbagong buhay at hindi kaya ng kanyang konsensya ang kumitil ng buhay.
Bukod dito, kinunsulta niya rin ang kanyang mga constituents sa Lipa at marami sa mga ito ang ayaw ng death penalty.
Samantala, sinabi naman ni Zarate na bago pa man pumili ng Speaker sa Kamara ay nauna na silang nakipag-usap noon kay Alvarez hinggil sa mga panukala na kanilang tututulan kasama na dito ang death penalty.
Nangako pa si Zarate na kahit maipasa ng tuluyan ang parusang kamatayan ay tuloy pa rin ang kanilang kampanya laban dito.
Si Santos-Recto ay Chairman ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation habang si Zarate naman ay Chairman ng Committee on Natural Resources.