Ilang kongresista, umapela sa PhilHealth na ituloy ang libreng dialysis program

Kinalampag ng ilang kongresista ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na madaliin na ang proseso sa pagpapatuloy ng libreng dialysis program.

Ayon kay Quezon City Rep. Alfred Vargas, buhay ng mga pasyente ang nakasalalay dito dahil kahit isang dialysis session lang ang hindi mapuntahan ay maaaring manganib na ang kanilang buhay.

Iginiit din ng Kongresista na kawawa lalo ang mga mahihirap na pasyente lalo’t nasa gitna pa man din ng pandemya na marami ang nawalan ng hanapbuhay.


Pinasaringan pa ni Vargas ang PhilHealth na tila nagiging default excuse na ang pagre-review nila ng proseso sa kawalan ng agarang aksyon.

Kinundena naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang hindi pagsunod ng PhilHealth sa pangakong exemption ng dialysis patients sa 45-days limit o 90-session limit kada taon.

Taliwas aniya ito sa pangakong extension kung saan sinisingil na ng dialysis centers ang mga pasyente para sa kanilang karagdagang session na kadalasang nagkakahalaga ng ₱3,000 per session.

Dahil dito, maraming mahihirap na nagda-dialysis ang tumigil sa kanilang procedure at hihintayin na lamang na ma-reset ang kanilang dialysis treatment sa susunod na taon.

Nagbabala si Zarate sa PhilHealth at sa Department of Health (DOH) na ituloy ang extension ng dialysis dahil kung hindi ay iimbestigahan ang mga ito.

Facebook Comments