Nananatiling malaking suliranin ang kawalan ng kuryente sa ilang lungsod sa Pangasinan matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan, habang tuloy-tuloy ang clearing at repair operations ng mga power provider upang maibalik ang suplay sa mga apektadong lugar.
Nagpaabot ng abiso ang Alaminos City na may available na charging station sa congressional office sa Brgy. Magsaysay at ang San Carlos City sa city hall nito upang makatulong sa mga residenteng naapektuhan ng power interruption.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Alaminos, minimal lamang ang pinsala sa kanilang linya ng kuryente at target na maibalik ang power supply ngayong gabi, depende sa assessment ng NGCP.
Samantala, nananatili ring walang kuryente sa ilang bahagi ng Dagupan City, Urdaneta City, San Carlos City.
Patuloy ang pagsasaayos ng mga nasirang poste, linya, at transformer, at bagama’t may partial restoration sa ilang lugar, marami pa ring kabahayan ang hindi pa rin energized.
Nagpaalala ang mga lokal na pamahalaan na maging maingat sa paggamit ng generator at laging tiyakin ang tamang bentilasyon upang maiwasan ang aksidente.
Patuloy namang humihingi ng pang-unawa ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang restoration efforts sa buong lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









