
Posibleng magkaroon ng adjustment sa ilang programa ng pamahalaan na pinopondohan mula sa excise tax.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano na humingi ng kapangyarihan upang mabawasan ang ipinapataw na excise tax.
Ayon kay Castro, pansamantala lamang ang posibleng hakbang kung sakaling ipatupad ito.
Layunin aniya nitong makatulong sa mga Pilipino na posibleng maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo, lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Kabilang sa mga programang pinopondohan ng excise tax ang Universal Health Care at iba pang public health programs ng pamahalaan.
Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging desisyon ng Kongreso kaugnay sa hiling ng pangulo na mabigyan siya ng kapangyarihan upang bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.










