Ilegal na COVID-19 clinic sa Makati, nabisto; 2 Chinese doctors, arestado

Makati Police

Dinakip ang dalawang Chinese na doktor matapos salakayin ng awtoridad ang isang iligal na clinic na tumatanggap umano ng COVID-19 patients sa Makati City nitong Martes.

Kinilala ni Police Major Gideon Ines Jr., hepe ng Makati Police Station Investigation and Detective Management Section ang mga suspek na sina David Lai, 49, tumatayong head doctor, at Liao Songhua, 41, assistant doctor.

Batay sa ulat, ininspeksyon ng awtoridad ang Goldstar Medical Clinic na matatagpuan sa isang building sa Sampaloc Street, San Antonio Village, kasunod ng sumbong na nanggagamot ito ng COVID-19 patients.


Bukod sa mga doktor, nadatnan din sa clinic ang apat na pasyenteng Chinese na idinulog na sa Makati Health Department.

Nakumpiska ang mga rapid test kit at kahon-kahong Chinese medicine na hindi rin umano rehistrado sa Food and Drug Administration.

Nagsasagawa na ng dagdag na imbestigasyon ang awtoridad kabilang ang immigration status ng dalawang doktor.

Noong nakaraang linggo lang nang isang ilegal na clinic na tumatanggap din ng mga pasyenteng Chinese ang sinalakay sa Clark Freeport, Pampanga.

Facebook Comments