Benito Soliven, Isabela – Arestado ang isang illegal recruiter sa isinagawang entrapment operation ng PNP sa Brgy. District 2, Benito Soliven noong Pebrero 11, 2018.
Kinilala ang suspek na si Lorlewie Fernandez, 28 anyos at residente ng Barangay San fermin, Cauayan City, Isabela samantalang kinilala naman ang biktima na si Lorna Carinio na residente ng Barangay District 1, Benito Soliven.
Batay sa ibinahaging impormasyon ni PO3 Jefferson Dalayap, imbestigador ng PNP Soliven, dumulog umano sa kanilang tanggapan ang biktima tungkol sa kahina-hinalang pagkumbinsi ng suspek na magbibigay umano ng isangdaan at dalawampu’t limang libong piso kapalit ng pangakong magkakaroon siya ng magandang trabaho sa ibang bansa.
Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang PNP Soliven na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
Narekober mula sa suspek ang isang kulay pulang backpack, sling bag na kulay itim, 125 piraso ng pekeng isang libong piso, Fico Bank Passbook, 13 pirasong passport na nakapangalan sa iba’t-ibang tao at dalawang plastik na naglalaman ng tuyong dahon na hinihinalang marijuana.
Hawak ngayon ng pulisya ang suspek na haharap sa kaukulang kaso.