Imbestigasyon sa Pamamaril sa Brgy. Kapitan ng Cordon, Isabela, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin ang isinasagawang masusing pagsisiyasat ng Echague Police Station sa pamamaril sa barangay chairman ng Camarao, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Frances Littaua, WCPD, PIO ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), hindi pa mabatid ng mga tagapagsiyasat ng pulisya ang suspek at motibo sa pamamaril na ikinamatay ng brgy. Kapitan na si Ricardo R. Mencias.

Pinag-aaralan pa kung ito ay may kaugnayan sa kanyang posisyon o kung may negosyo at iba pang anggulo na maaaring naging motibo sa pamamaslang.


Matatandaang naabutang duguan at wala nang buhay pasado alas 11:00 ng umaga kahapon, Oktubre 17, 2020 ang Kapitan na lulan ng kanyang puting Sport Utility Vehicle (SUV) na may plakang ACL 4430 na nakaparada sa gilid ng daan sa kahabaan ng brgy. Pag-asa, Echague, Isabela.

Nagtamo ng isang (1) tama ng bala ng baril sa mukha ang Kapitan na tumagos sa kanyang batok na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Narekober naman sa crime scene ang isang (1) basyo ng Caliber 45.

Ayon pa kay PCapt Littaua, inaalam na rin kung mayroong saksi sa nangyaring krimen para makatulong sa agarang pagkakakilanlan ng salarin.

Facebook Comments