Impeachment complaint, maraming butas ayon sa isang lider ng Kamara

20

Manila, Philippines – Napuna agad ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang inihaing impeachment complaint ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano.

 

Ayon kay Fariñas, maraming butas ang impeachment complaint kaya tiyak na maibabasura lamang ito.

 

Sinabi ni Fariñas na sa verification pa lamang ng complaint ni Alejano ay laglag na ang reklamo nito sa Pangulo.

 

Paliwanag ni Fariñas, maliwanag sa paragraph three ng verification na ang lahat ng alegasyon na laman ng impeachment complaint ay dapat personal knowledge ng complainant o nakabase ito sa authentic records.

 

Pero lumalabas naman sa kopya ng reklamo na walang personal na kaalaman si Alejano sa mga alegasyon nito laban kay Presidente kundi ito ay pawang hearsay lamang.

 

Iniugnay pa ni Fariñas na ito ay malamang nakuha lamang sa Senado sa mga pinalutang na isyu ni Sen. Antonio Trillanes IV.

 

Maliban dito, karamihan ng alegasyon ng krimen laban kay presidente ay nangyari pa noong alkalde o bise alkalde pa ito ng Davao at hindi dahil ngayong Presidente na ito.

 

Malinaw na hindi ito maaaring maging basehan ng impeachment dahil ang prosesong ito ay para sa mga nagawa ng impeachable official sa kasalukuyan nitong posisyon.

Facebook Comments