Nanindigan ang National Federation of Small Fisherfolk Organization in the Philippines o Pamalakaya na hindi importasyon ang solusyon sa kakulangan ng suplay ng isda sa bansa.
Giit ni Pamalakaya Chairman Fernando Hicap, kaya namang punuan ng lokal na produksyon ang anumang kakulangan sa isda dahil may ibang probinsya nga sa atin ang mayroong oversupply.
Nakakalungkot din aniya na nag-aangkat tayo ng isda sa China na siya ring umuubos sa mga isda na dapat ay hinuhili ng mga Pilipino.
“Ang dahilan ng shortage yan ang dapat solusyunan, hindi yung importation. Kasi kapag nag-import tayo ang nakikinabang diyan yung mga bansa na pinangkukunan natin at ang pinakamasakit, kumukuha tayo ng importation galing sa China e mula noong payagan ni Pangulong Duterte yung Chinese commercial vessel dyan sa West Philippine Sea e halos naubos na nila ang isda natin tapos doon pa tayo mag-iimport ng isda,” ani Hicap sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
Ayon pa kay Hicap, palusot lang ni Agriculture Secretary William Dar ang aniya’y extension lamang ng nakaraang certificate of necessity to import ang ipinatutupad ngayon ng ahensya.
Pinuna rin niya ang patuloy na pag-aangkat ng isda ng Pilipinas kahit open fishing season na ngayon
“Napaka-imposible na meron pang shortage e. Matagal nang naglalaway yung mga binigyan nila ng import permit e, hindi pa nila ini-isyuhan meron na silang supply na kinukuha e, di ba? Isang malaking panlilinlang ‘yon na ito’y extension lang nung mga dati nang order. E ngayon,” ani Hicap.
“Ang kinakaano ko lang kay Secretary Dar, kapag may shortage shortage na report kahit ito ay speculation ay automatic ay mag-iimport agad. Hindi dapat ganon. Kasi kung ganon ang polisiya natin e talagang papatayin nito yung local na industriya natin sa pangisdaan,” dagdag niya.
Una rito, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na posibleng kulangin ng 90,000 metric tons ang suplay ng isda sa ikatlong quarter habang 85,000 mt sa huling quarter ng 2022.